Tatlong Simula

Una

Nakita kita sa unang pagkakataon. Simple ka lang ngunit nakuha mo ang aking atensyon. Yun yung mga panahong hindi pa tapos lumuha ang aking puso, ngunit sa gitna ng pagluha nito ngumiti ang aking mga labi. Lalo na noong binati kita at tumango ka. Sa unang beses na yon, para bang nagkaintindihan na tayo. Sa ulap nangyare na nagpalitan tayo ng pangalan. Sa ating mga diwa, tayo'y naging magkaibigan. Tanging ang maingay na palaruan lamang ang saksi ng ating pagtititigan. Sa aking sugatang puso ikaw yung taong hindi nagsikap ngunit natapalan mo ang sugat nito. Sa unang beses na yon pinagdasal ko na sana kung mayroon ka mang lungkot na dinadala ay natapalan ko din ng saya ang mga lungkot na iyon.

Pangalawa

Naglakas ako ng loob na imbitahin ka para maghapunan. Matapos ang pagpapalitan natin ng mga mensahe, pakiramdam ko ay kilala na kita ngunit sa tuwing nagkikita tayo sa maingay na palaruan ay tanging sa diwa lamang nananatili ang pagkakakilala ko sayo. Sinuklian mo ang lahat ng binayad kong ngiti. Umasa ako. Umasa ako sa mga alingawngaw ng katahimikan at sa mga matalim na kahulugan ng iyong mga ngiti. Gusto kitang makasama palagi. Gusto kong maintindihan ang iyong kabuuan.

Noong nagkita tayo para pagsaluhan ang paborito nating ulam, binalot pa din tayo ng katahimikan. Iniwasan kong hindi ipikit ang aking mga mata para walang masayang na sandali. Tinalasan ko ang aking pandinig at nagbaka sakaling may sumigaw habang inaagaw ng puso kong galak na galak ang kabuuan ng aking isip. Hindi mo alam kung paano mo ako pinasaya ng gabing iyon.

Sa gitna ng katahimikan, sumisilip ang isang ingay na nagsasabing "Gusto Kita!"

Lumipas ang mga buwan, hindi kita nakita at nakausap man lang pagkatapos noon.


Pangatlo


Isang ordinaryong araw muli sa maingay na palaruan at sa mga pag-itan ng mga isang daang katao ay nahanap ko ang mga mata mong nakatitig sa akin. Tinugon ko ito ng ngiti na hindi ko pa naibibigay kahit kanino. Alam mo ba kung gaano ko inasam na muli kitang makita. Hindi maipagkakaila na umabot ang aking ngiti sa aking mga maluha luhang mga mata. Tinabig mo ang mga taong namamagitan sa atin ng ilang metro at naglakad patungo sa sulok kung saan ako nakaupo. Hindi mo ako kinamusta ngunit hindi ka din nagtipid sa mga salitang inasam asam ng aking mga tenga na marinig.

"Gusto kita," sambit mo.

Binalot tayong muli ng katahimikan, pero sa pangatlong simula na yon ay naiintindihan ko na, ang kahulugan ng pananahimik na iyon.

Comments

Popular Posts